PBB Double Up’s Jason Francisco says he will remain humble
by Bernie Franco | March 07, 2010 2:10 AM |
Hanggang ngayon ay aminadong hindi pa rin nasasanay ang Pinoy Big Brother Double Up second runner-up na si Jason Francisco sa kanyang newfound fame. “Medyo naguguluhan pa po pero masaya naman po. Marami naman pong nag-aalaga sa akin at nagtuturo sa akin at nagsusubaybay sa akin,” pangungumpisal niya. Nagsu-shooting na ngayon si Jason kasama ang Big Winner na si Melisa Cantiveros para sa Precious Hearts Romances Presents: Impostor. Natatawang kuwento pa nga ni Jason ang pinakamahirap daw ay ang workshop lalo na kapag kailangan nilang umiyak.
Inamin din ni Jason sa sobra na niyang nami-miss ang kanilang bahay sa Mindoro. “Kaya lang ako pumasok [sa PBB] para sa experience [pero] sobra sa pagka-experience na. Todo na, lagpas na kaya parang sobra na yata ang nangyayayari sa akin. Pero kailangan kong gawin para sa mga taong sumuporta sa akin pero siguro pagkatapos nito, uwi na ako sa amin.”
Hindi ikinakaila ni Jason na nakakataba ng puso ang atensyong kanyang nakukuha pero naguguluhan pa rin siya sa mga pangyayari. Una ay nasa bahay ni Kuya lamang sila, pagkalabas ng bahay ay pinagkakaguluhan at ngayon ay umaarte na. “Hindi ako sanay sa maraming tao. Parang gusto ko lang, kaunting tao lang. Kapag may mga kasamahan ako hindi ako masyadong nahihiya, pero ‘pag ako lang nahihiya ako po ko talaga.”
Nang tanungin siya kung kaya ba niyang tagalan ang showbiz, ang sagot ni Jason, “Hindi. Gusto ko na talagang umuwi sa amin kasi baka ‘yung mga kapatid ko naghihintay sa akin, ako ‘yung magbantay sa kanila.”
Bigla namang kuminang ang mga mata ni Jason nang tanungin siya tungkol sa mga nakikilala niyang mga artista. “Masaya ako kapag may nakikita akong artista kasi nagpapapirma ako,” kuwento niya. Ipinakita pa nga ng binata sa amin ang dala-dala niyang maliit na notebook kung saan may signature ito ng sikat na artistang nakikila nila at paramihan pa umano sila ng pirma.
Karamihan pa raw umano sa mga nakakausap niyang artista ay pinapaalalahanan silang huwag lalaki ang ulo at manatiling down-to-earth. “Eh ganun naman talaga ako,” seryoso pang pahayag ni Jason sa ABS-CBN.com.
Log on to www.ABS-CBN.com or http://pinoybigbrother.multiply.com for more updates on Pinoy Big Brother Double Up.