PBB’s Jason Francisco is not eager about a long-term showbiz career
by Bernie Franco | February 28, 2010 2:37 AM |
Ilang linggo matapos ang Pinoy Big Brother Double Up ay hindi pa rin nakaka-adjust ang third placer na si Jason Francisco sa buhay artista. Kuwento ng probinsiyanong boy astig ng Mindoro, nalulula pa rin umano siya sa atensyon na ipinapakita sa kanya ng mga fans. Gayunpaman, inamin din niya na hindi siya sanay sa sobrang dami ng mga tao.
Sa ngayon ay ipinapalabas ang reality-based TV show na Melason In Love (with Big Winner Melisa Cantiveros) kung saan sinusubaybayan ang “life after PBB” ng dalawang sikat na ex-housemates. Hanggang ngayon ay hindi pa rin daw alam ng dalawa na sila ay ipinapakita sa nasabing TV show. Tanging cable channel lamang ang ipinapanood sa dalawa na nakatira pa rin sa loob ng Bahay ni Kuya with the rest of the Big 5 na sina Paul Jake Castillo, Johan Santos at Tibo Jumalon.
Nang tanungin ng ABS-CBN.com si Jason kung nakikita ba niya ang sarili na magtatagal sa showbiz, sinabi niya na hindi. Aniya, hindi raw ito ang gusto niyang gawin sa kanyang buhay. “Nami-miss ko na po sa amin kasi hindi pa ako nakakabalik. Pero dahil magtu-two weeks na kami, baka pwede na kaming pauwiin,” ani Jason, dahil sinabihan ang Big 5 na two weeks pa silang magsi-stay sa Bahay ni Kuya pagkatapos na pagkatapos ng Big Night noong February 13.
Kuwento pa ni Jason, natuloy daw ang pagpunta nila ng SM Mall of Asia kamakailan kung saan naka-disguise sila upang hindi makilala. Subalit ilang hakbang pa lamang daw nila ay nakilala na sila ng mga tao dahilan para dumugin sila. Iyon lang kasi ang pagkakataon nilang lumabas kung saan idi-date sana ni Jason ang girlfriend na si Melai. “Tapos nung kumakain kami, lahat ng tao nakatingin sa amin sa may salamin, bakit kayo ganyan? Pero ayos lang naman kung nakakapagbigay iyon ng kaligayahan sa kanila.”
Nang tanungin si Jason kung ano ang nami-miss niyang gawin, sagot niya, “Nami-miss ko sa amin, yung sariwang hangin, yung bundok, gusto kong matulog nang matulog.”
Log on to www.ABS-CBN.com or http://pinoybigbrother.multiply.com for more updates on Pinoy Big Brother Double Up.